Ang inyong boto ay ligtas
Ano ang mangyayari pagkatapos ninyong bumoto? Bumoto man kayo sa pamamagitan ng koreo o nang personal, may mga prosesong ipinatutupad upang matiyak na ligtas ang inyong boto. Ang mga tanggapan ng estado at lokal na eleksyon ay gumagawa ng mga hakbang upang matiyak na ang inyong boto ay binibilang nang tama at ang inyong boses ay narepresenta.
Ang mga gobyerno ng estado ay tinitiyak na ligtas at tumpak ang mga eleksyon
Bagama't ang ilang mga protocol ay nag-iiba ayon sa estado, ang lahat ng mga estado ay may mga sistema na ipinatutupad upang:
- Masiguro na tanging mga karapat-dapat na botante lamang ang makakaboto
- Mabilang ang mga boto nang tama at ligtas
- Masertipikahan ang mga resulta bago ang mga ito ay gawing opisyal at pampubliko
- Makipagtulungan sa mga pederal na kapartner upang maprotektahan laban sa panglabas na panghihimasok
- Mapangalagaan ang integridad ng mga eleksyon sa pamamagitan ng maraming patong ng seguridad
Ang mga eleksyon ay may mga rekord na papeles
Mahigit sa 98% ng mga botante sa buong bansa ang bumoboto na may papeles na rekord. Ang mga opisyal ng eleksyon ay nagtatago rin ng mga detalyadong talaan ng mga bilang at lokasyon ng mga balota bago, habang, at pagkatapos ng Araw ng Eleksyon. Ang mga rekord na ito ang nagtitiyak na ang mga balota ay hindi namanipula at maaaring i-audit pagkatapos ng mga eleksyon upang masuri ang mga iregularidad.
Ang mga balota ay ligtas na nakaimbak
Kapag natapos na ang Araw ng Eleksyon, ang mga balota, rekord, at ang mga kagamitan ay sinisiguro at dinadala sa mga tanggapan ng eleksyon. Doon, ang mga opisyal ng eleksyon ay binibilang at iniimbak ang mga balota. Ang mga balota ay dapat na nakaimbak sa loob ng 22 buwan pagkatapos ng pederal na eleksyon kung sakaling kailanganin na ang mga ito ay muling bilangin o iba pang proseso pagkatapos ng eleksyon. Mas alamin ang tungkol sa kung ano ang mangyayari sa inyong balota pagkatapos ninyong bumoto.
Ang mga balota sa koreo ay ligtas
Ang mga estadong nag-aalok ng pagboto sa koreo ay mayroong maraming mga hakbang sa seguridad. Tinitiyak ng mga hakbang na ito na lahat ng ibinalik na balota ay opisyal at pinunan ng karapat-dapat na botante kung saan sila pinadalhan.
Ang mga hakbang sa seguridaday ay maaaring kasama ang:
- Pagtutugma ng lagda
- Pagsusuri ng mga impormasyon
- Mga Barcode
- Mga Watermark
- Tumpak na timbang ng papel
Ang mga opisyal ng eleksyon ay gumagawa ng maraming mga hakbang upang matiyak na ang mga botante ay bumoto lamang ng isang balota sa isang eleksyon. Kung ang isang botante ay bumoto ng higit sa isang balota (ibig sabihin, bumoto sa pamamagitan ng koreo at pagkatapos ay nagtangkang bumoto nang personal sa Araw ng Eleksyon), isang balota lamang ang mabibilang. Ang mga kaso ng potensyal na dobleng pagboto o pagpapanggap bilang botante ay iniimbestigahan ng mga awtoridad.
Sinusuri ang mga voting at ballot counting machine
Ang mga opisyal ng eleksyon ay regular na sinusuri ang mga voting at ballot counting machine upang matiyak na gumagana ang mga ito nang maayos. Halos lahat ng estado at teritoryo ay nagsasagawa ng pagususring “lohika at katumpakan” sa mga voting and ballot counting machine. Ang mga pagsusuring ito ay nagtitiyak na ang mga boto para sa bawat kandidato at ang isyu sa balota ay binibilang nang tama.
Maaari ninyong panoorin ang isinasagawang mga pagsusuri. Makipag-ugnayan sa mga opisyal ng inyong lokal na eleksyon upang matuto kung paano mag-obserba ng mga pagsusuring lohika at katumpakan sa inyong lugar. Ang ilang mga estado ay nagpapahintulot din sa inyo na panoorin ang mga balota na pinoproseso sa pamamagitan ng isang video live stream o nang personal.
Sa karamihan ng mga estado, ang mga sistema ng pagboto ay dapat ding sertipikado ng Election Assistance Commission at/o masuri ng isang Election Assistance Commission na akreditado ng Voting System Test Laboratory bago gamitin.
Kayo ay maaaring makatulong na panatilihing ligtas ang eleksyon
Magkaroon ng kamalayan sa mga scam call o text
Kapag nalalapit na ang eleksyon, karaniwan nang makatanggap ng mga text at tawag mula sa mga grupong politikal. Ang mga grupong ito ay maaari kayong kumbinsihin na suportahan ang ilang mga kandidato o mga panukala sa balota. Ang ilan ay maaaring humingi pa ng mga donasyon. Gayunpaman, ang mga scammer ay maaaring gamitin ang parehong mga taktikang ito. Narito ang ilang paraan para matukoy ang isang robocall o text scam:
- Ang tumatawag o nagte-text ay humihingi ng personal na impormasyon, tulad ng numero ng inyong Social Security. Maaaring sabihin nila sa inyo na maaari kayong bumoto nang maaga sa pamamagitan ng telepono o ayusin ang mga mali sa inyong rehistrasyon ng botante na hindi talaga totoo. Tandaan: Kayo ay hindi maaaring magparehistro para bumoto, mag-update ng inyong rehistrasyon, o bumoto sa pamamagitan ng tawag sa telepono sa anumang estado.
- Ang tumatawag o nagte-text ay humihingi ng inyong credit card o iba pang pinansyal na impormasyon. Ang ilang mga scammer ay maaaring mag-alok ng gift card bilang kapalit ng pagtugon sa isang survey, ngunit pagkatapos ay hihingiin ang impormasyon ng inyong credit card upang magbayad para sa shipping. Mag-ingat sa pagbibigay ng impormasyon ng inyong credit card sa telepono.
- Ang tumatawag o nagte-text ay nagpupumilit na kayo ay mag-donate sa telepono at hindi nagbibigay ng mga alternatibong paraan para mag-donate. Kung sa tingin ninyo ay maaaring ito ay isang scam call, isaalang-alang ang pagtatanong kung mayroong isang website kung saan kayo ay maaaring makaalam muna ng higit pang impormasyon.
Iulat ang mga krimen sa eleksyon
Kung kayo ay nakasaksi o naghihinala ng mga krimen sa eleksyon, maaari ninyong iulat ang mga ito:
- Iulat ang kaso sa lokal na tagapagpatupad ng batas.
- Iulat ang kaso sa tanggapan ng inyong estado o lokal na eleksyon.
- Iulat ang anumang mga scam call o text na nauugnay sa eleksyon sa inyong lokal na tanggapan ng Pederal na Kawanihan ng Pagsisiyasat.
- Iulat ang anumang mga kaso ng pananakot o panunupil sa botante sa Dibisyon ng Mga Karapatang Sibil ng Kagawaran ng Katarungan sa online o telepono man.
Mas alamin ang tungkol sa mga pederal na krimen sa eleksyon at paano iulat ang mga ito.
Maging isang poll worker
Suportahan ang inyong komunidad sa pamamagitan ng pagtulong na tumakbo nang maayos ang mga eleksyon bilang isang poll worker. Ang mga poll worker ay madalas na binabayaran at tumatanggap ng pagsasanay bago maglingkod. Mas alamin kung paano maging isang poll worker sa inyong komunidad.
Mga karagdagang mapagkukunan
Makipag-ugnayan sa tanggapan ng inyong lokal na eleksyon upang matuto nang higit tungkol sa mga partikular na aksyon na kanilang ginagawa upang mapanatiling mapayapa at ligtas ang mga eleksyon. Nagsusumikap din ang maraming ahensya ng pederal na gobyerno upang protektahan ang inyong boto: