Pagboto bilang isang bagong mamamayan ng U.S.

Ang pagkamamamayan ay nagbibigay sa inyo ng karapatang bumoto. 
 

Statue of liberty

Bilang isang bagong mamamayan ng U.S., kayo ay may oportunidad na makilahok sa mga eleksyon sa U.S. Ang pagboto ay inyong karapatan — at isang mahusay na paraan upang makagawa ng pagbabago sa inyong komunidad.

Ang pagpaparehistro para bumoto ay ang unang hakbang

Bago kayo makaboto, kailangan kayong magparehistro. Kapag nakarehistro na kayo, maaari na kayong bumoto sa estado, lokal, at pederal na eleksyon.

Maaaring nakapagparehistro na kayo para bumoto sa inyong seremonya ng naturalisasyon. Kung kayo ay hindi sigurado, maaari ninyong i-tsek ang estado ng inyong rehistrasyon sa online o bisitahin ang inyong tanggapan ng lokal na eleksyon. Maaari ding kayo ay nakatanggap na ng kard ng rehistrasyon ng botante sa pamamagitan ng koreo. Kung ang inyong pangalan o tirahan ay nagbago, kakailanganin ninyong i-update ang inyong rehistrasyon ng botante.

Kung hindi pa kayo nakapagparehistro, huwag maghintay! Kayo ay maaring magrehistro para bumoto kahit anong oras pagkatapos ng inyong seremonya ng naturalisasyon.


Siguraduhing kayo ay opisyal na isang mamamayan bago magparehistro.
Kung kayo ay hindi pa isang mamamayan ng U.S., kayo ay hindi dapat magparehistro para bumoto. Ang mga hindi mamamayan, kabilang ang mga permanenteng legal na residente, ay hindi maaaring bumoto sa pederal, estado, at karamihan sa mga lokal na eleksyon. Ang pagpaparehistro para bumoto bago kayo maging isang mamamayan ay maaaring makaapekto sa inyong pagkamamamayan.


Paano magrehistro para bumoto

Kayo ay mayroong mga opsyon para sa pagpaparehistro

Ang bawat estado at teritoryo ay nagtatakda ng sarili nitong mga tuntunin para sa pagpaparehistro para bumoto. Baka kaya ninyong:

Hanapin ang mga deadline ng rehistrasyon ng botante

Walang deadline ang pambansang rehistrasyon ng botante. Sa ilang mga estado, ang huling araw para magparehistro ay 30 araw bago ang Araw ng Eleksyon. Sa ibang mga estado, kayo ay maaaring magparehistro sa Araw ng Eleksyon. Ang Araw ng Eleksyon ay tumutukoy sa anumang eleksyon (lokal, estado, o pambansang eleksyon). Hanapin ang mga deadline ng rehistrasyon ng botante sa inyong estado.

Maghanap ng impormasyon sa mga eleksyon sa U.S.

Unawain ang inyong boto sa antas ng lokal at pambansa

Ang Estado at Lokal na mga eleksyon ay nangyayari sa buong taon. Sa antas ng estado, kayo ay maaaring bumoboto para sa mga gobernador, hukom, o miyembro ng lehislatura ng estado. Sa panlokal, kayo ay maaaring bumoboto para sa mga mayor o iba pang lokal na opisyal. Ang mga nanalong kandidato ay gumagawa ng mga desisyon sa mga paksa tulad ng badyet para sa pampublikong sasakyan at mga paaralan sa inyong komunidad. Ang mga desisyong ito ay nakakaapekto sa inyong pang-araw-araw na pamumuhay.

Tuwing apat na taon, ang eleksyon sa pagkapangulo ay nagpapasya kung sino ang magiging pinuno ng Estados Unidos. Mayroong estado at lokal na mga primarya at mga caucus na nagaganap bago ang pangkalahatang eleksyon upang pumili ng mga nominado sa pagkapangulo. Ang pangkalahatang halalan ang magpapasya sa kandidato. Ang bawat estado ay may sariling proseso at mga tuntunin para sa pagboto.

Ang mga eleksyon sa Kongreso ang magpapasya kung sino ang kakatawan sa inyo sa Kongreso. Ang Kongreso ay may dalawang bahagi: ang U.S. House of Representatives at ang U.S. Senate. Ang mga miyembro ng U.S. House of Representatives ay kumakatawan sa mga distrito sa loob ng isang estado. Sila ay ibinoboto kada dalawang taon. Ang mga miyembro ng U.S. Senate ay kumakatawan sa buong estado. Sila ay nagsisilbi sa loob ng anim na taon, ngunit sila ay hindi lahat na ibinoboto sa parehong pagkakataon. Ang ilang mga senador at lahat ng miyembro ng U.S. House of Representatives ay tumatakbo para sa eleksyon (o re-election) sa panahon ng mga midterm na eleksyon. Ang Midterm na eleksyon ay nagaganap sa kalagitnaan ng apat na taong termino ng bawat pangulo.

Alamin ang tungkol sa inyong balota

Alamin kung paano ang inyong boto ay makakaapekto sa inyong komunidad upang kayo ay makagawa ng matalinong desisyon.

Karamihan sa mga tanggapan ng eleksyon ang nagpapaskil ng mga halimbawa na balota online. Ang ilan ay nagbibigay din ng impormasyon online o sa pamamagitan ng koreo tungkol sa mga kandidato at mga panukala sa balota. Tingnan ang website ng inyong estado o lokal na eleksyon para sa higit pang impormasyon.

Magpalista upang maging isang poll worker

Suportahan ang inyong komunidad sa pamamagitan ng pagiging isang may bayad na poll worker. Ang mga tungkulin ng poll worker ay magkakaiba depende sa kung saan kayo nakatira. Maraming mga tanggapan ng lokal na eleksyon ang may mga poll worker na gumagawa ng mga gawain tulad ng:

  • Mag-set up ng lokasyon ng pagboto
  • I-welcome ang mga botante
  • Kumpirmahin ang rehistrasyon ng botante
  • Mamigay ng mga balota
  • Tulungan ang mga botanteng gamitin ang voting equipment
  • Ipaliwanag ang mga pamamaraan ng pagboto

Bilang isang poll worker, kayo ay babayaran para sa inyong oras. Nag-iiba ang bayad depende sa lokasyon. Alamin ang tungkol sa kung paano maging isang poll worker. (sa ingles)

Suporta para sa mga bagong mamamayan

May mga grupong tutulong sa mga bagong mamamayan na may iba't ibang aspeto ng buhay ng mga Amerikano, kabilang ang pagboto. Kaya ninyong:

  • Kontakin ang Tanggapan ng mga Bagong Amerikano sa inyong estado o lokal na rehinyon.
  • Maghanap ng lokal na sentro ng literisiya.
  • Maghanap ng mga grupo ng iba pang mga bagong mamamayan na may karanasan na sa mga ekesyon sa U.S..

Suporta sa wika

Kung hindi Ingles ang inyong pangunahing wika at gusto ninyong bumoto sa ibang wika, kayo ay maaaring humingi ng tulong. Makipag-ugnayan sa tanggapan ng inyong lokal na eleksyon upang malaman kung anong uri ng suporta ang magagamit sa inyong wika tulad ng:

  • Impormasyon sa pagboto at mga materyales (tulad ng mga balota) sa inyong wika
  • Isang poll worker na maaaring makipag-ugnayan sa inyo sa inyong wika (kasama ang American Sign Language)
  • Isang miyembro ng pamilya o kaibigan na makakatulong na magsalin para sa inyo sa lugar ng botohan

Pinoprotektahan ng mga pederal na batas ang inyong karapatang bumoto

Alamin tungkol sa mga pederal na batas na nagpoprotekta sa inyong kakayahang bumoto sa Gabay sa Pagkilala sa inyong mga Karapatan sa Pagboto mula sa Department of Justice. Mayroon ding gabay sa Espanyol.

Kayo ay maaring mag-ulat ng reklamo sa Department of Justice kung kayo ay nakaranas ng alinman sa mga sumusunod habang ginagawa ang inyong karapatang bumoto:

  • May nagduda sa inyong karapatang bumoto
  • Kayo ay nakatira sa isang lugar na kinakailangang magbigay ng mga materyales sa pagboto sa ilang partikular na wika, ngunit hindi natanggap ang mga materyales na iyon 
  • Kayo ay hindi nakatanggap ng mga akomodasyon sa aksesibilidad

Mas alamin ang tungkol sa kung paano tinitiyak ng pamahalaan na ang inyong boto ay tumpak na binibilang.